“KAILANGAN ay agad na mapaimbestigahan ni Quezon City Police District (QCPD) Director Ronnie Montejo ang isang alyas Jessie na nagpapakilala umanong kaanak niya at siyang tumatanggap ng protection money sa mga ilegalista ng lungsod,” pahayag ng isang QCPD insider na batid ang umano’y lingguhang intelihensiya para sa mga tiwaling opisyal sa Camp Karingal.
Pahayag ng QCPD insider, na may ranggo na SPO4, na “malamang ay hindi batid ni Col Montejo na ipinaghahanap-buhay siya ni alyas Jessie na bukod sa pangongolekta ng intelihensiya ay kasosyo pa ito ng isang alyas Pinong sa operasyon ng lotteng.”
Kanyang ipinaliwanag na sa tuwi-tuwina ay laging laman ng sermon ng QCPD director sa kanila ang “no take” policy sa anumang uri ng ilegal, higit lalo sa droga at sugal at mga puntahan sa lungsod.
“Hindi ko tiyak kung tunay o drama lang ni director ang kanyang mga pangaral sa amin kasi laman ng kampo si Alyas Jessie na nakikita namin sa kanyang opisina at alam din namin na siya ang tumatayong enkargado o bagman ng mga tiwaling opisyal sa mga ilegalista,” pahayag pa ng QCPD insider.
Binanggit nito ang kawalan umano ng sigasig ng lokal na kapulisan laban sa talamak na lotteng at iba pang uri ng ilegal na sugal sa lungsod.
“Kaya kahit alam naming malinis ang aming director… na malamang ay hindi siya sumasawsaw sa ilegal at malamang din ay hindi n’ya batid ang gawain nitong si alyas Jessie ay naghihinala na rin kami kasi bakit wala siyang utos na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na sugal,” sabi pa ng QCPD insider.
Kanyang pinangalanan ang mga sumusunod na illegal gambling o lotteng operators sa lungsod na pawang may mga alyas na Pinong, Baby Nova, Comrad, Tepang, Dodong Mendez at Amor.