IPINATUPAD na ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang Executive Order FMZ-004 hinggil sa paghihigpit ng mga nagkalat na illegal parking na nagdudulot nang pagsisikip sa mga lansangan ng siyudad.
Ipinaskil ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang karatula na ‘No Parking’ sa tapat ng Club Filipino Avenue upang ipaalala sa mga mamamayan partikular sa mga bumibisita sa lungsod na kapag sa lugar na iyon pumarada ay ilegal at pagpapaalala rin na kanilang mahigpit na ipinagbabawal ang mga sasakyang ilegal na nakabalandra, habang isang sasakyan naman ang napuna nito na ilegal na naka-park sa lugar kung kaya’t nasampolan at pina-tow ang isang sasakyan.
Naging epektibo ang kaatasan kahapon (Hulyo 25) simula 6 ng umaga hanggang ika-9 ng gabi kung saan mahigpit na magmo-monitor ang mga tauhan ng San Juan City katuwang na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sakop ng naturang executive order ang mga lansangan ng Club Filipino Avenue bahagi ng Route 9 ng MMDA Mabuhay lane; Annapolis Street partikular mula sa kanto ng Eisenhower Street hanggang sa kanto ng Missouri Street na parte rin ng MMDA Mabuhay lane; Missouri Street mula sa kanto ng Connecticut Street at Missouri Street sa kanto ng Ortigas Avenue na bumubuo sa MMDA Mabuhay Lane.
Ginawa ang hakbang kasunod na rin ng kaatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ng bawat alkalde ng bawat lungsod ang kanilang mga lugar upang maibsan ang mga problema na dalot ng trapiko. BENEDICT ABAYGAR JR.
Comments are closed.