LAGUNA – ILLEGAL Quarrying Operation ang itinuturong dahilan ng magkasunod na pagkasira ng Sta. Cruz River Irrigation System (RIS-Diversion Dam) sa Bgy. Calumpang, Liliw sa lalawigang ito.
Ito ang mariing pahayag ni National Irrigation Administration (NIA) Calabarzon Regional Director Engr. Romeo Lopez matapos magtungo ito sa lugar kasama ang kanyang mga tauhan at pamunuan ng mga magsasaka.
Aniya, noong 206 nasira ang Old Dam kasunod ang malawakang pagbaha sa ika-apat na distrito ng lalawigan dahil sa pagbagsak ng river bed sanhi ng walang tigil na illegal quarrying operation ng mga residente sa lugar.
Nabatid na hinuhukay sa pamamagitan ng pala-pala at ibinebenta ng mga residente mula sa laylayan at itaas ng Dam ang buhangin at mga grava na karaniwang ginagamit sa mga construction projects kaya’t naantala sa loob ng dalawang cropping season ang pagtatanim ng palay ng mga magsasaka mula sa limang bayan na kinabibilangan ng Victoria, Liliw, Pila, Sta. Cruz at bayan ng Magdalena nang bumigay ang matandang Dam sa hagupitin ng bagyong Milenyo.
Sa kasalukuyan, mula sa itinayong makabagong RIS Diversion Dam, umaabot sa kabuuang 3,000 hektarya ng palayan ang sinusuplayan ng libreng tubig ng NIA kung saan mahigit na 1,500 magsasaka ang nabebenepisyuhan.
Subalit, hindi inaasahang muli nasira ang ginagawang Dam Protection Works sa lugar nitong nakaraang magkakasunod na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses dahil sa tuloy tuloy at mabilisang pagbabang muli ng river bed kung saan pinondohan pa ito ng mahigit na P31 milyon.
Gayundin, ani Lopez, naitala rin ang pagkasira ng maraming Irrigation Facilities (Infrastructure Projects) sa buong Calabarzon na umaabot sa halagang P96 milyong piso kabilang ang palayan na nasa halagang P20 milyon.
Kaya’t muling panawagan ng mga magsasaka at pamunuan ng NIA na itigil na ang illegal quarrying sa nasabing lugar dahil marami ang naaapektuhan. DICK GARAY
Comments are closed.