LAGUNA- BUMAGSAK sa mga kamay ng Philippine National Police (PNP) at Department of Migrant Workers (DMW) ang isang 39-anyos na babaeng illegal recruiter habang tinatanggap nito ang marked money mula sa isang aplikante sa bayan ng Paete sa lalawigang ito nitong Sabado ng umaga.
Sa pahayag ng DMW, kinilala ang suspek na si Dionalyn Sebastian, may- asawa at residente ng Iligan del Norte, Barangay Poblacion ng nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon, si Sebastian ay nagre-recruit ng mga aplikante na gustong magtrabaho sa Malaysia at Malta sa pangakong monthly salary na P100,000.
Base pa sa report, hinihingan ng suspek ang bawat aplikante ng mula P100K hanggang P300K para umano sa placing at visa fee.
Idinagdag pa ng DMW na dumulog sa kanilang tanggapan ang ilan hindi pinangalanan aplikante ni Sebastian nang matuklasan ng mga ito na hindi rehistrado sa POEA ang kumpanyang ginagamit sa recruitment activities nito.
Sabado ng umaga, nagsagawa ng isang entrapment operation sa lugar kung saan tatagpuin ng suspek ang ilang aplikante na nakatakdang magbayad dito.
Agad na pinosasan ng mga owtoridad si Sebastian ng binibilang na nito ang cash money na iniabot ng isang overseas applicant.
Nasagip din sa nasaning operasyon ang may 30 iba pang aplikante na nahikayat ni Sebastian
Nakakulong na sa Laguna PNP custodial cell ang suspek.
ARMAN CAMBE