ILLEGAL RECRUITER TIKLO SA ENTRAPMENT NG CIDG

ARRESTED-7

BULACAN – UMABOT sa 25 katao ang naging biktima ng illegal recruiter sa lalawigang ito habang higit 10 naman sa Bacoor.

Sa report na ipinadala ni/Supt. April Mark Young kay PNP Provincial Director, Sr.  Supt. Chito Bersaluna, kinilala ang nadakip na si Maria Teresa Samonte, vendor, ng No. 34 Amador Street, Regata Subd., Brgy. Novaleta, Cavite City.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Jayson Dela Cruz at SPO3 Nathaniel Orduna, ganap na alas-5:45 ng hapon nang  ­arestuhin sa  isang fast food chain sa Banga 1st Plaridel via Oplan Other Law enforcement ng CIDG ang suspek.

Nabatid na nakipagkita ang suspek sa isa nitong kakilala na si Jenifer Pagtalunan para maghanap ng mabibiktima, na naging daan para ikasa ang entrapment operation.

Sinasabing nadala sa magagandang pangako ang mga biktima, tulad ng advance na 1-month salary na P90,000 na kita sa Japan ang iiwan ng employer dalawang araw bago umalis patungo sa naturang bansa bukod pa ang isang mamahaling cellphone.

Habang visit visa ang gagamitin ng mga magtatrabaho sa bansang Japan.

Tatagal lamang umano ng sampung araw ang hihintayin ng isang aplikante, matapos silang makapagbigay ng P8,100 para sa visit visa processing ng red ribbon at karagdagang P800 para sa Nihonggo translation.

Ayon sa mga biktima, umabot na sa isang buwan ang kanilang paghihintay kaya nagduda na sila sa transaksyon ni Samonte.

Ayon naman kay nanay Goya Latiza ng Meycauayan City, nasa 10 kamag anak niya ang naging biktima ng suspek kung saan siya pa ang nagpaluwal sa gastos ng mga kamag-anak dahil na rin sa magandang pangako ng suspek. THONY ARCENAL

Comments are closed.