ILOCOS NORTE FARMERS HINUBOG BILANG NEGOSYANTE

TATLUMPUNG magsasakang miyembro mula sa Paninaan Multipurpose Cooperative ng Barangay Paninaan sa Bacarra, Ilocos Norte ang naging magsasakang-negosyante nang magtapos sila sa programang Farm Business School (FBS) ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Engr. Vic M. Ines, layunin ng FBS na turuan ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na maging mga agricultural entrepreneur at isulong ang pagsasaka bilang isang negosyo na mapagkukunan ng mga ARB ng karagdagang kita.

“Ang DAR, sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture, ay nagpasimula ng FBS para ituro sa mga magsasaka ang mga mahahalagang kaalaman tungkol sa bookkeeping, cash flow, market survey, pagbebenta at paggastos at wastong pagpapakete ng kanilang mga produkto,” ani Ines.

Sinabi ni Chief Agrarian Reform Program Officer Rommel R. Aquino na 19 lalaki at 11 babae ang nagtapos sa 25 sesyon ng programa ng FBS.

Ipinahayag niya na sa loob ng 25 sesyon na programa, nagawa ng DAR na turuan, bigyang kapasidad at bigyang kapangyarihan ang 30 ARBs sa iba’t ibang kasanayan sa pagnenegosyo at pagsulong ng mga kasanayan sa pagsasaka para maayos nilang mapamahalaan ang kanilang mga ani mula sa lupang ipinagkaloob sa kanila ng DAR hanggang sa paraan ng pagbebenta ng kanilang mga produkto.

Dumalo rin sa naturang graduation ceremony sina Municipal Agriculturist William Ulep, Municipal Agrarian Reform Officer Leonila M. Agcaoili, at Senior Agrarian Reform Program Officer Reynalda A. Quiamas.