ILOILO BET NAGTALA NG BAGONG RECORD SA HIGH JUMP SA BP

PUERTO PRINCESA – Isa pang bagong record ang itinala ni Franklin Catera ng Iloilo sa centerpiece sports na athletics habang nagpapatuloy ang mainit na kompetisyon sa pagitan ng defending overall champion City of Baguio at ng City of Pasig sa ginaganap na 2024 Batang Pinoy National Championships sa iba’t ibang lugar dito sa Palawan.

Binalewala ng 17-anyos na si Catera ang matinding init upang abutin ang bagong record na 1.98 metro sa High Jump Men Under18 at angkinin ang kanyang unang gintong medalya sa multi-sports na kompetisyon na ginaganap ang lahat halos ng sports sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

Winalis naman ni Haylee Garcia ng City of Pasig ang lahat ng nakatayang gintong medalya sa FIG Senior – Women’s Artistic Gymnastics na ginanap sa Maynila upang tanghaling most bemedalled na atleta sa torneo.

Inangkin ni Garcia mula sa Club Gymnastica Pasig at nasa pagtuturo ni Van Simon Talingting ang lahat ng nakatayang limang gintong medalya matapos nitong magwagi sa Individual All-Around (46.9), Balance Beam (11.85), Floor Exercise (12.6), Uneven Bars (10.9) at Vault (11.775).

Tigatlong gintong medalya naman ang iniuwi nina Mariano Matteo Medina ng Pasig City at Jalorrae Cxethreen Lictao ng Baguio City sa archery upang pangunahan ang kanilang mga probinsya sa matinding pag-aagawan para sa titulo at pangkalahatang korona.

Dinomina ni Medina ang Under 13 Men Recurve sa pagtala ng 334 sa 30m1 distance at 351 sa 30m2 para sa kabuuang 685 puntos para sa kanyang unang tatlong ginto. Nakatakda pa siyang sumabak sa tatlong event para sa posibleng pagwawagi ng anim na ginto.

Hindi naman nagpaiwan si Lictao na nagtala ng 331 at 336 iskor sa 30m distance para sa kabuuang 667 puntos.

Asam niya ang dalawa pang ginto sa Mixed at Olympic round.

Nagtala rin ng bagong record sa swimming si FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City sa itinala nitong 2:28.71 minuto sa Girls 16-17 200m Breastsktroke. Tinabunan nito ang dating record na 2:29.61 ni Jie Angela Mikaela Talosig ng Cotabato.

Nag-ambag din si Jaime Uaander Maniago ng Quezon City ng bagong record sa pagtatala ng 1:06.78 minuto sa Boys 16-17 100m breaststroke para burahin ang dating record na 1:07.66 ni Morie Pabalan ng City of Pasig noong 2023.

Una nito ay bumasag din ng record si Albert Jose Amaro II ng Naga City sa Boys’ 16-17 100-m Freestyle sa oras na 52.59 segundo sa final match para wasakin ang dating Batang Pinoy record na 53. 29 seconds.

Tangan ng City of Pasig ang pangkalahatang liderato na may 35 ginto, 18 pilak at 26 tanso para sa kabuuang 78 medalya. Pangalawa ang City of Quezon (14-12-20=46), kasunod ang City of Santa Rosa (14-11-4=29), City of Baguio (12-19-19=50), at City of Muntinlupa (12-5-6=23).
CLYDE MARIANO