NAKARARANAS na ng pagkaubos ng pagkain ang halos 11 barangay sa isla sa baybayin ng bayan ng Concepcion, probinsiya ng Iloilo matapos na mapigilan ng masamang panahon ang mga residente sa pangingisda o pagpunta sa bayan para makakuha ng supply ng kanilang pagkain.
May 11 barangay na kinabibilangan ng 4,500 pamilya ang nakararanas din ng parehong sitwasyon tulad ng bayan ng Carles, na inilagay na sa ilalim ng state of calamity, saad ni Concepcion Mayor Raul Banias kamakailan.
“Dahil sa mahigit na isang linggong masama ang panahon dala ng Bagyong si Hanna, at hindi pinapayagan ng Coast Guard ang operation ng pump boats, ganundin ang pampasaherong bangka, umaapela ang mga pamilya sa isla na wala na silang mabiling pagkain,” lahad ni Banias sa isang panayam sa telepono.
Walang sapat na badyet ang Concepcion mula sa kanilang disaster preparedness fund para makaresponde sa mga pangangailangan ng mga tao, aniya, dagdag pa na nakapag-deliver ng food packs na sapat lamang sa 1,000 tao sa isla-barangay ng Polopińa at Bagongon, at sa isla ng Danao-Danao noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa kanya, nangako si Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. noong Biyernes na magpadala ng food packs noong Sabado.
“We have responded (to the food needs) but we are awaiting rice and other food from the province. When they arrive, our mu-nicipal social welfare and development office will immediately repack and deliver them to other islands,” sabi ni Banias.
Bagama’t ang mga barangay sa baybayin sa mainland ay apektado na rin ng masamang panahon, siniguro ng mayor na ang 14 na barangay sa mainland ay may sapat na stock ng pagkain.
Samantala, inaalagaan na ang mga residente sa isla ng local government unit. “We have given them food provisions,” sabi niya. PNA
Comments are closed.