ILOILO ECONOMIC ZONE

Iloilo City Rep Julienne Baronda

ISINUSULONG na rin sa Kamara ang pagtatatag ng economic zone at free port sa Iloilo City.

Sa House Bill #5794, itinutulak ni Assistant Majority Leader at Iloilo City Rep. Julienne ‘Jam’ Baronda ang pagkakaroon ng Metro Iloilo Special Economic Zone and Free Port na layong makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at trabaho para sa kanilang mga residente.

Ayon kay Baronda, sa oras na maging ganap na batas ay tiyak na magiging economic booster ito hindi lamang ng Iloilo City kundi ng Western Visayas at maging ng  buong Visayas.

Kabilang sa mga hanay na lalakas sa oras na ma­ging bukas sa investments ang Iloilo City ay ang medical tourism, manufacturing, agriculture and fisheries, energy, service , export enterprises at information technology.

Naniniwala si Baronda na magiging daan ito sa pagbawas ng kahirapan at pagbilis ng paglago lalo na ng  rural areas.

Nakasaad sa panukala na kokolektahin sa mga locator ang 5% sa Gross Income Earned pero wala nang ipapataw na national o local taxes.

Ang mga negosyo, kompanya o korporasyon naman na marerehistro sa economic zone authority ay makakapag-avail ng tax holiday.

Ang Metro Iloilo Economic Zone and Free Port ay alinsunod na rin sa Philippine Development Plan 2017-2022 na layong isulong ang regional development ng buong bansa.  CONDE BATAC

Comments are closed.