“By October, we will be launching Masagana 150 and Masagana 200,” pahayag ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa Post-State of the Nation Address Economic Briefing sa Pasay City.
Kamakailan ay nanawagan si Pangulong Marcos, na siya ring concurrent Agriculture Secretary, para sa pagpapatupad ng Masagana 150 at Masagana 200 proposals ni dating DA Sec. William Dar.
Ang Masagana 150 ay aani ng 7.5 tons ng inbred rice per hectare sa production cost na P8.38 per kilogram.
Katumbas ito ng net profit na P50,000 per hectare para sa mga magsasaka base sa market price na P27.50 per kilogram.
Layon naman ng Masagana 200 na makaani ng 10 tons ng hybrid rice per hectare sa production cost na P7.82 per kilogram.
Magbibigay ito sa mga magsasaka ng net na P70,000 base sa market price na P27.50 per kilogram.
Ayon kay De Mesa, ang Masagana programs ay paunang popondohan ng P15-billion National Rice Program at P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund ng DA, isang mandated appropriation sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Layon nito na gawing mas kumpetitibo ang mga rice farmer kasunod ng liberalization ng rice industry.
Humihiling din, aniya, ang DA ng karagdagang P4 billion para sa programa.
“We have an existing budget. We can complement it. We requested the President for a supplemental budget for additional inputs for seeds and fertilizers,” ani De Mesa.
Target ng ahensiya na saklawin ang tatlong milyong ektarya ng agricultural land para sa Masagana programs.
Ang Masagana proposals ay halaw sa Masagana 99 na ipinatupad ni yumaong Presidente Ferdinand Marcos Sr. sa layuning matamo ang rice self-sufficiency sa bansa.