(Ilulunsad ngayong buwan) PAUTANG PARA SA FRANCHISE BUSINESS

ISANG bagong financing program para sa franchising businesses ang ilulunsad ngayong buwan ng Small Business Corporation (SBCorp), ang financing arm ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang DTI, SBCorp at Philippine Franchise Association (PFA) ay lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) sa Makati City noong Martes upang i-promote ang pagpapaunlad sa micro, small and medium enterprise (MSME) sa pamamagitan ng franchising.

Bahagi ng kasunduan ang pagkakaloob ng loan program sa pamamagitan ng SBCorp para sa mga nais pumasok sa franchising business, lalo na yaong mahigit 200 franchise brands sa ilalim ng PFA.

Sa isang press conference, sinabi ni PFA chair Sam Christopher Lim na layunin din ng MOA na magkaloob ng skills training, lalo na sa overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya, sa franchising; iugnay sa suppliers; at isulong ang Filipino franchise brands sa global market.

Sinabi ni DTI Acting Secretary Ma. Cristina Roque na ang franchising business ay naaayon sa direktiba ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na lumikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

“What President BBM (Bongbong Marcos) wants to happen is for us to be able to provide jobs, and the fastest way for us to be able to provide jobs is to grow the existing business,” ani Roque, at sinabing ito ang isinusulong ng business model ng franchising.

Idinagdag pa ni Roque na plano ng kanyang ahensiya na makipagpartner sa Department of Migrant Workers (DMW) upang itaguyod ang franchising business sa OFWs.

“We have to understand, there’s USD40 billion of remittances from the OFWs that are coming in every year. So most of them, they don’t know where to put the money,” aniya.

“The only way is to offer different business opportunities or to offer different opportunities for the Filipino people… and one of them is to go franchise.”

Ayon kay SBCorp President Robert Bastillo, sa ilalim ng general loan facility ng ahensiya, ang isang first-time borrower na nais magsimula ng negosyo ay maaaring magsimula sa minimum loan na P30,000 collateral-free.

“A repeat borrower with good credit standing can also tap SBCorp for a loan of as much as PHP5 million,” ayon sa SBCorp.

Ang SBCorp ay nag-aalok din ng mababang interest rate na 1 percent per month base sa diminishing balance.

Sinabi ni Bastillo na sa ilalim ng bagong financing facility, target ng SBCorp ang hindi bababa sa 50 franchisee-borrowers, na ang loan applications ay maaaring aprubahan sa loob ng araw.