UPANG maibalik muli ang Divisoria bilang ‘fabric and textile capital’ ng bansa at ‘go to’ place para sa lahat ng uri ng bagay na ginagamit sa paggawa ng damit, inilunsad ni Mayor Honey Lacuna ‘Rampa Manila 2’ na nagtatampok sa mga kilala at baguhang local fashion designers.
Dahil dito, nilagdaan ni Lacuna ang memorandum of agreement para sa gagawing fashion event sa Hunyo 19, 2024 bilang bahagi ng gawaing nakalinya na kaugnay ng anibersaryo sa pagkakatatag ng Maynila sa Hunyo 24.
Kabilang din sa mga lumagda sina secretary to the mayor Atty. Marlon Lacson, department of tourism, culture and the arts (DTCAM) head Charlie Dungo at Doris Jimenez ng Punto consultancy.
Ayon sa alkalde, ang layunin ng event ay upang mahikayat ang mga baguhang designers na hasain pa ang kanilang galing upang mapantayan nila kung hindi man malagpasan ang mga international designers.
“The ultimate goal is para itaas ang antas ng fashion designs sa Pilipinas at bigyan ng pagkakataon ang mga bata na gustong pumasok sa industriya na ito kaya thank you sa inyo for taking the challenge,” ani Lacuna sa mga dumalong designers.
“Before, puntahan talaga and Divisoria for any kind of textile but over the years, nag-dwindle talaga,” anang alkalde na nagpahayag ng kalungkutan dahil may ilang mga designer na gusto pang mag- import.
“We are inviting future designers to go back to where it all started and help our micro businesses to jump back to their former status as a flourishing industry,” dagdag pa nito.
Mayroon limang established designers na itatampok at sila ay inanyayahan ni Bang Pineda na siyang direktor ng ‘Rampa Manila 1’ at ang Rampa Manila 2.” Sinabi rin ni Pineda na may tatlong baguhang designers ang napili mula sa kalipunan ng mga disenyong isinumite ng mga interesadong lumahok at nagmula pa sa iba’t-ibang panig ng bansa at daigdig.
Samantala ang tema sa ikalawang taon ng ‘Rampa Manila’ ay ‘texture, textile and technique’. Hinikayat niya rin ang mga dumalo sa paglulunsad na bumili ng lahat ng kanilang materyales sa Divisoria at mag- selfie sa nasabing lugar upang ma-i-promote ang Divisoria. VERLIN RUIZ