IM QUIZON KUMIKIKIG SA ABU DHABI CHESS MASTERS CATEGORY

PINATAOB ni Filipino International Master Daniel Quizon si Grandmaster Abdimalik Abdisalimov sa eighth round upang makapasok sa top five ng premier Masters category ng 30th Abu Dhabi International Chess Festival sa United Arab Emirates noong Biyernes ng gabi.

Ang 20-year-old national champion mula sa Dasmariñas, Cavite ay namayani laban kay 11th-seeded Abdisalimov matapos ang 48 sulong ng Sicilian Defense upang samahan ang anim na iba pa na may 6 points.

Magkakasalo sa liderato na may 6.5 points sina Uzbek GMs Nodirbek Yakubboev, Shamsiddin Vokhidov, FIDE GM David Paravyan at Indian GM Leon Luke Mendonca.

Makakaharap ni Quizon si Indian GM Sunilduth Lyna Narayanan, ang No. 10 seed, sa huling round ngayong weekend, target ang isa pang panalo para sa posibleng podium finish.

Tinalo niya sinw No. 6 seed GM Bassem Amin ng Egypt sa fourth round at FIDE GM Klementy Sychev sa seventh round.

Umaasa rin ang Filipino chess master na makakuha ng mas maraming puntos upang makumpleto ang 2500 rating na kinakailangan upang maging GM. Umangat siya sa 2482.8 mula 2457.

Si Quizon ay bahagi ng Philippine team sa FIDE World Chess Olympiad sa Budapest, Hungary sa Sept. 10-22.

Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina GMs Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez at IMs Paolo Bersamina at Jan Emmanuel Garcia. Si GM Eugene Torre ang magsisilbing coach.