KOKORONAHAN ng Vatican ang imahe ng Our Lady of Fatima na naka-enshrined sa Diocese of Imus sa Cavite sa susunod na taon.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), inaprubahan ng dicastery ng Vatican para sa banal na pagsamba at pagdidisiplina ng mga sakramento na kumakatawan kay Pope Francis, ang kahilingan para sa canonical coronation ng Our Lady of Fatima de Binakayan sa Kawit, Cavite na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Diocese of Imus.
Sinabi ni Fr. Julius de Sagun, rector ng Diocesan shrine at pinuno ng Our Lady of Fatima de Binakayan Parish, ang koronasyon ay nakatakdang isagawa sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Ang canonical na koronasyon ay nilalayong parangalan ang Our Lady of Fatima bilang isang makapangyarihang tagapamagitan at palakasin ang kanyang mensahe ng pagsisisi at pagbabalik-loob kay Kristo.
Inanunsyo ito ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista bilang pagpahayag ng pag-asa na ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima ay patuloy na lumaganap at gayundin ang makaakit at makapaglalapit ng mas maraming tao sa Diyos.
Ang Our Lady of Fatima de Binakayan ay ang ikatlong imahe ng Mahal na Birheng Maria sa Diocese of Imus na pinagkalooban ng canonical coronation, kasunod ng Our Lady of the Pillar at Nuestra Señora dela Soledad de Porta Vaga noong 2011 at 2018, ayon sa pagkakasunod.
SID SAMANIEGO