IMBAKAN NG BALA, BARIL SUMABOG AT NASUNOG

CAGAYAN DE ORO CITY-PINASISIYASAT ngayon ng pamunuan ng Philippine Army ang naganap na pagsabog at pagkasunog ng ammunition complex ng 10th Forward Service Support Unit (FSSU), Army Support Command (ASCOM), PA sa Camp Edilberto Evangelista, Patag sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ipinarating kay Army commanding General Lt Gen Romeo Brawner, sumiklab ang sunog sa ammunition complex pasado ala-1 ng madaling araw.

Sa pagsisiyasat, base sa salaysay ng mga sundalo at residenteng malapit sa nasunog na pasilidad, may narinig silang pagsabog hanggang sa makitang nagliliyab na ang gusali na pinaglalagyan ng 155mm Howitzer rounds at iba’t ibang bala or small arms ammunitions.

Labing-isang fire trucks mula CDO City ang rumesponde subalit hindi makalapit sa nasusunog na istraktura dahil sa peligrong dulot ng mga pagsabog .

Ayon kay Maj. Francisco Garello, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, hindi pa nila alam ang pinagmulan ng sunog.

Nabatid na matapos na idineklarang fireout ang sunog bandang alas-3 ng madaling araw ay kinakaila­ngan palamigin muna ang lugar upang siguradong hindi na muling magkakaroon ng pagsiklab upang mapasok ang mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division at arson probers.

Kinumpirma ni Garello na walang nasawi sa nasabing insidente subalit may 3 sibilyan na nasaktan matapos matamaan ng shrapnel bunsod ng mga naganap na pagsabog ang kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Camp Evangelista Station Hospital.

Paliwanag ng opisyal, ang Camp Evangelista ay tinitirahan ng mga sundalo at kanilang mga pamilya na malayo sa mga kabahayan at opisina ng kampo pero nagdulot pa rin ng pagkaalarma ang sunog dahil sa serye ng mga pagsabog.

Samantala pansamantalang inilikas ang mga residente sa gym sa loob ng kampo. VERLIN RUIZ