IMBAKAN NG PEKENG KALAKAL SINALAKAY NG BOC

CUSTOM Commissioner Isidro Lapeña

SINALAKAY  ng mga  tauhan ng Bureau of Customs (BOC) nitong  nakaraang araw ang isang bodega sa Tondo, Manila  na pinag-iimbakan ng mga pekeng sigarilyo at iba pang mga kalakal na umaabot sa P55 milyon ang halaga.

Ayon kay Commissioner Isidro Lapeña ang sinasabing warehouse ay matatagpuan sa Antonio Rivera Street, Tondo, Manila.

Naisakatuparan ang raid sa naturang warehouse sa tulong ng “Brand Owner” matapos ang dalawang linggong surveillance ng mga tauhan ng ESS sa nasabing lugar. Nadiskubre nila ang mga nakaimbak sa loob ng bodega na mga pekeng sigarilyo, cellphone accessories, chargers, DVD replicating machines, at blangkong DVDs.

Kasama sa isinagawang operasyon ang mga local police, barangay officials, at  kinatawan ng brand owner. Nakita sa loob ng warehouse ang 120 carton ng  mga pekeng sigarilyo, tatlong DVD replicating machines, at humigit kumulang sa 300 boxes ng blank DVDs, assorted cellphone chargers at  accessories .

Ayon sa mga taga ESS, ang tatlong DVD replicating machines ay tinatayang aabot sa P45-million ang halaga, habang ang mga pekeng sigarilyo (fake cigarettes) at iba pang  merchandise goods ay nasa P10-million.

Hindi naman nahuli ang may-ari ng  bodega na si Reggy Tan sapagkat wala ito nang isagawa ang raid ng pinagsanib na tauhan ng Customs at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) .

Nakatakda namang kasuhan ng Bureau of Customs si Reggy Tan na sinasabing may-ari ng bodega dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8293 o iyong tinatawag na  Intellectual Property Code of the Philippines, at iba pang pertinent provisions ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).              FROI M

Comments are closed.