IMBENTARYO NG DOCTORS, NURSES ILABAS

Sonny Angara

INATASAN ni Senador Sonny Angara ang Department of Health (DOH)  na magpalabas ng datos kaugnay sa kabuuang bilang ng mga doktor, nurse, dentista at midwife sa bansa.

Layon nito na malaman kung sapat ba ang mga ito para bigyan ng serbisyong medikal ang bawat Filipino.

“Dapat lang naman na mayroon tayong running national inventory sa health forces natin. Kung ang DepEd at PNP, may ganitong datos na inilalagay sa kanilang budget submission para malaman kung gaano kalaki ang kulang sa kani-kanilang hanay, bakit wala ang DOH? Siyam na taon akong kongresman at pitong taon na akong senador, pero wala pa akong nakitang ganito mula sa rekord ng DOH. Wala tayong ‘status of health forces’ report,” ayon kay Angara, chairman ng Senate committee on Finance.

Partikular na binigyang-pansin ng senador ang panukalang 2020 budget ng DOH para sa kanilang Human Resources for Health (HRH) na nagkakahalaga ng P2.45-B. Ang HRH ang nagpapadala ng mga doktor, nurse, midwife, dentista at iba pang health professionals para sa pagpapatupad ng universal health care.

Liban sa naturang halaga, nakapaloob din sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) ang panukalang P7-B na nakalaan sa hi­ring ng mahigit 11,000 health professionals. Kabilang sa mga ito ang 744 doctors kung saan 400 sa mga ito ay sakop ng Doctors to the Barrios program ng DOH. Habang ang higit 300 iba pa ay nakatalaga sa medical residency programs ng mga ospital.

“Ang dentista kulang talaga, 209 lang ang deployed sa ilalim ng HRH program ngayong 2019. Lumalabas na sa kada 7 bayan, isa lang ang nagsisilbing dentista,” saad pa ni Angara.

“Sa kasalukuyan,  mayroon tayong 4,006 na mga bagong pasang doktor. Tiyak naman, marami sa kanila ang gustong magsilbi sa underserved at sa unserved areas. Sa dami nila, dapat, hindi tayo nababahala sa pangangailan ng atensiyong medikal ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES

Comments are closed.