IMINUNGKAHI ni Senate Committee on Energy Chairman Sherwin Gatchalian na magkaroon ng sariling imbentaryo ng langis ang petroleum companies sa bansa, 15 araw para sa mga nag-i-import at 45 araw naman para sa mga nagre-refine ng petrolyo.
Ito ay kasunod ng nangyaring drone attack sa dalawang major oil facilities sa Saudi Arabia.
Ayon kay Gatchalian, dapat tingnan ng Department of Energy (DOE) kung may imbentaryo ang bansa para matiyak na hindi mawawalan ng suplay ng langis at huwag ibenta nang mahal dahil nabili na ito sa murang presyo.
“Itong mga petroleum company dapat maglagay sila ng imbentaryo rito, 15 days para sa mga nag-i-import at 45 days para sa nagre-refine ng petrolyo. So, Ibig sabihin dapat may imbentaryo sila rito sa atin na luma pa ang presyo,” ani Gatchalian.
Kinumpirma naman ni Gatchalian na agad nagpatawag ng emergency meeting ang DOE matapos ang nangyaring pag-atake sa Saudi para i-monitor nang mabuti ang sitwasyon.
“At nakita ko naman noong nangyari ito sa SA, mabilis na nagpatawag ang DOE ng emergency meeting para po i-monitor nang mabuti ang sitwasyon,” dagdag ng senador. DWIZ 882