IMBESTIGASYON KAY ESPENIDO IPINAUUBAYA SA DILG

Chief-Insp-Jovie-Espenido

IPINAUUBAYA ni Senador  Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbestigasyon ukol sa umano’y pagkakasama sa narcolist ng pangalan ni Lt. Col. Jovie Espenido, kasabay ng pahayag na tuloy lamang ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Sa pahayag ni Go, ang pagkasama ni Espenido sa drug list ay kasalukuyan pang iniimbestigahan at bineberipika ng DILG at PNP.

“Regardless of the outcome, this only affirms the government’s consistency in adhering to a zero tolerance policy on fighting illegal drugs,” ani Go.

Ipinauubaya rin ni Go sa PNP ang paglilinis sa kanilang hanay upang masiguro na hindi sila mahahaluan ng mga tiwali at sangkot sa ilegal na droga.

“We gave our trust to the officials of the PNP and they know that together with the trust given to them is the responsibility to hold themselves and their ranks accountable for any accusation of wrongdoing. This is part of their duty to restore the integrity of their institution and fulfill their mandate to serve and protect the Filipino people,” ani Go.

Iginiit  nito na patuloy pa rin ang tiwala niya at ni Pangulong Rodrigo Duterte na magagampanan ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Hindi rin daw ito magi­ging dahilan para huminto sa drug war lalo na ngayon at nakikita ng publiko na unti-unti nang nagtatagumpay ang pamahalaan laban sa salot na ilegal na droga.

“Ang kampanya ng gob­yerno kontra ilegal na droga, kriminalidad at katiwalian ay walang humpay. Nananatili pa ring matatag ang tiwala ko sa buong hanay ng ating kapulisan. Dapat lang na mas patuloy na ihiwalay ang iilang bulok sa karamihan na nananatiling tapat sa tungkulin at sa bayan,” ani Go.

Nanawagan naman ang senador na dapat ay walang palalampasin na tiwali para matigil talaga ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.

Comments are closed.