IMBESTIGASYON NG BIDDING SA NIA, PINANAWAGAN SA SENADO

Nanawagan ang private contractors sa Senado para sa mabilisang pag-imbestiga sa umanoý iregularidad sa bidding sa National Irrigation Administration (NIA).

Ito ay bunsod ng pagkaka-deny sa karamihan sa government-accredited contractors para makapag-purchase ng bid documents para sa Malatgao River Irrigation System (RIS) Project sa Region 4-B.

Apat na AI construction firms na dati ay nakakasama sa bidding ng government irrigation projects sa bansa ang umano’y na-deny para makakuha ng bid documents dahil sa sinasabing kakulangan ng certificate of site Inspection, na hindi naman legally required.

Ang NIA ay pinamumunuan ni Eduardo Guillen, at ang NIA-Region 4-B or MIMAROPA naman ay sinu-supervise ng kanilang Regional Manager na si Engr. Ronilio M. Cervantes at ng Palawan Irrigation Management Office (IMO) Division Manager na si Engr. Armando L. Flores.

Ayon sa records ng NIA, ang Octagon Construction firm lang ang pinayagan na makakuha ng bid document para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng Malatgao RIS project na nagkakahalaga ng higit na P400 million.

Matatandaan na sa isang Senate blue ribbon committee hearing, pinagsabihan ni Sen. Raffy Tulfo ang mga kasalukuyan at dating opisyal ng NIA dahil sa kanilang kapabayaan sa pagto-tolerate ng mga defective, incomplete at ghost irrigation projects, na dapat sana ay natutulungan ang mga magsasaka upang madagdagan ang kanilang rice production.

Ang nasabing Senate inquiry ay nagsimula sa privilege speech ni Tulfo, na in-expose niya ang umanoý irregularities sa mga irrigation project, na karamihan ay delayed na nang mahigit limang taon.

Sinabi pa ni Tulfo na sa report ng kanyang ipinadalang team, karamihan sa mga na-verify na proyekto ay hindi maayos ang pagkakagawa at gumamit ng substandard materials na kinalaunan aniya ay iniwan din dahil sa tinatawag na failed contracts.

May mga kinatawan ang ilang construction firm na may good standing ang bumisita sa NIA R-4B na sumubok para makatulong sa Malatgao RIS project, ngunit hindi naman binigyan ng oportunidad na makakuha ng bidding document sa kabila ng pagkumpleto sa required documents.

Ang nasabing firm ay nagpakita pa ng Affidavit of Site Inspection ngunit hindi pa rin sila pinayagan na makasali sa bidding process.

Ang representative nito ay umapela sa BAC chairman for reconsideration ngunit ito ay na-reject.

May mga alegasyon na ang ilang NIA officials umano ay nasasabit sa mga kahina-hinalang galawan sa procurement ng bidding documents kaya nakaka-secure raw ang ibang kompanya ng non-competitive bids.

“Bid rigging almost always results in economic harm to the agency which is seeking the bids, and to the public, who ultimately bear the costs as taxpayers or consumers,” dagdag pa ni Tulfo.