IMBITASYON PARA SA CINEMALAYA AT ANI 42

TUTOK muna tayo sa sining sa araw na ito. Ito ay isang paanyaya sa publiko upang panoorin ang mga pelikula sa ika-18 Cinemalaya Independent Film Festival sa mga sinehan sa mall hanggang sa ika-16 ng buwan. May 4 na showing bawat araw para sa mga pelikula ng Cinemalaya.

Ang 23 pelikula ay maaaring mapanood sa mga piling sinehan ng Ayala at SM sa buong bansa. Labing-isa sa mga ito ay full-length films at 12 naman ang short films. Dito sa Metro Manila, puwedeng manood sa Glorietta, Trinoma, Ayala Malls Manila Bay, at SM Megamall. P250 ang halaga ng isang tiket.

Sa labas ng Metro Manila, mapapanood ang mga ito sa Ayala Malls Capitol Central sa Bacolod at Ayala Malls Centrio sa Cagaya de Oro. P230 naman ang halaga ng tiket dito. Sa mga SM malls sa Dasmarinas, Clark, Baguio, at Legaspi, P250 ang bawat tiket. Maaaring bumili ng tiket sa mall o sa TicketWorld o SM Tickets kung nais bumili online.

o0o

Sa larangan naman ng literatura, naglabas ng panawagan ang Cultural Center of the Philippines-Intertextual Division para magsumite ng mga akda ang publiko para sa ika-42 na edisyon ng ANI, ang opisyal na literary journal ng CCP. Magkakaroon ng print at digital editions ang ANI 42.

Ang mga tema ng ANI 42 ay: COVID-19, Enhanced Community Quarantine, Lockdown, Isolation, at Healing. Maaaring magpadala ng sanaysay, tula, maikling kwento, akdang pambata, at iba pang anyo ng literatura sa wikang Ingles, Filipino, at iba pang lokal na lengguwahe ng Pilipinas (na may kasamang English o Filipino translation). Tatanggapin lamang ang mga akdang ginawa mula Hulyo 2020 hanggang kasalukuyan.

Maaari ring magsumite ng mga artworks—hanggang tatlong likha bawat artista/manlilikha ang maximum na bilang na maaaring isumite. Kabilang sa mga pwedeng ipadala ay: 2D artworks—litrato, painting, print, at digital artworks.

Orihinal at hindi pa naililimbag na akda lamang ang tatanggapin. Maaaring mag-sumite ng gawa hanggang ika-30 ng Agosto 2022. Ipadala ang mga ito sa [email protected]. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring magpadala ng mensahe sa Facebook page ng CCP Intertextual Division o mag-text sa 09568574562 at hanapin si Erika Antuerfia, ang Managing Editor ng Ani Journal.