IMEE: AGARANG HUSTISYA PARA KAY JULLEBEE, PAGTUTULUNGANG MAKAMIT

EMOSYONAL na nakiramay nitong Miyerkoles si Senadora Imee Romualdez Marcos sa pamilya ng OFW na si Jullebee Ranara na brutal at walang awang pinaslang ng 17-anyos na anak ng kanyang amo sa bansang Kuwait.

Nag-abot si Marcos ng tulong pinansyal at grocery items kaakibat ng pangako na bibigyan ng trabaho o kabuhayan ang mister at mga kapatid ng OFW.

Hinihiling ni Marcos, pinuno ng Senate Committee on Foreign Relations sa OWWA, DMW at DFA na gawin ang lahat ng paraan upang makamit ng biktima ang hustisya sa lalong madaling panahon.

“Binisita ko ng tahimik at taus-puso akong nakiramay sa pamilya ng kawawang OFW na si Julleebee na pinatay sa Kuwait. Kasama ko sina DMW Usec. Hans Cacdac at OWWA Administrator Arnel Ignacio para tutukan at pagtulungan ang problema natin,” ayon kay Marcos.

Umaapela si Marcos sa mga Pinoy na nag-aapply sa abroad na mag-ingat at huwag magpaloko sa mga illegal recruiter at scammers. VICKY CERVALES