PABOR para sa ekonomiya ng mga bansa sa Southeast Asia ang mga naglabasang ulat na isa-isa nang nililipat ng Estados Unidos sa Indonesia ang mga China-based factories nito bilang alternatibong manufacturing sites.
Ayon kay Senadora Imee R. Marcos, Chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, maituturing ang nasabing relokasyon bilang “silver lining o liwanag sa madilim at masalimuot na epekto ng COVID-19, kaya hindi dapat magpahuli ang Pilipinas (sic).”
Kaya hinihimok ngayon ni Marcos ang mga economic manager ng gobyerno na ipatupad ang “full-court press” para makahabol tayo sa mas malaking oportunidad na alok ng foreign investment at muling paglago ng ekonomiya.
Isinusulong din ni Marcos ang pagkakaroon ng mas mababang corporate income tax mula sa kasalukuyang 30% rate, para mas makasabay sa kompitensya ang bansa sa pinatutupad na 20% rate ng Vietnam at Thailand, at sa Indonesia na plano itong ipatupad sa susunod na taon.
Iminungkahi rin ni Marcos na sakaling sumang-ayon ang gobyerno sa mas mababang corporate income tax, maiging isama rin ang pagbibigay insentibo sa mga foreign investor tulad pansamantalang pagsuspinde sa ibang mga buwis at pagkakaroon ng ilang exemption.
Inihalimbawa naman ni Marcos ang nagaganap ngayong recession sa Western countries bunsod ng pandemya, kaya napipilitan silang i-outsource o ilipat ang kanilang mga produksyon para magkaroon ng mas murang mga supplier at mapanatili ang presyo.
“Resulta nito sa tingin ko, mas mabilis na makakarekober ang mga nasa BPO o Business Process Outsourcing kesa sa inaasahan. Sakaling makasama tayo sa kanilang outsourcing, malaki ang maitutulong na investment nito sa manufacturing at iba pang mahalagang sektor,” ani Marcos.
Pero pinaaalerto naman ni Marcos ang Department of Finance (DOF) at National Economic Development Authority (NEDA) sa halos $20 million o mahigit sa P1 billion na dami ng export production na lumisan sa bansa sa nakalipas na dalawang buwan.
“Pano ba natin makukumbinsi itong MNCs (Multinational Corporations) para mapanatili o maibalik ang daang milyong dolyar hanggang sa katapusan ng taon? Praktikal na tanong na dapat ikonsidera ng NEDA at DOF para ma-update ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA),” ani Marcos.
Babala ni Marcos, sakaling mabigo ang CITIRA ay maaapektuhan ang pag-uupgrade ng mga factory ng mga semiconductor manufacturer na nagbigay ng halos $37.6 billion o P1.9 trillion o higit pa sa kalahati ng export ng bansa noong 2018.
“Posible kasing limitahan nila ang produksyon ng mga kasalukuyang produkto na posibleng mawala sa paglipas ng panahon. Maaari rin magsara ang mga pabrika at ilipat ang kanilang produksyon ng mga mas bagong produkto sa ibang mga lugar,” paliwanag ng senadora.
“Dapat natin gawing mas malawak ang ating pag-iisip at pang-unawa lalo ngayong panahon ng COVID-19, kung saan tila mas lumiit ang kinikilusan nating paligid. Ngayon ang tamang pagkakataon para magtayo ng mga impraestrukturang pang-kalusugan, pagkakaroon ng universal insurance packages, at pag-iinvest pa sa mga ospital at medical school,” ani Marcos.