IMEE NABABAHALA SA MADALIANG PAGPASA NG MAHARLIKA BILL

NABABAHALA  si Senador Imee Marcos sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill, isang panukalang minarkahan bilang “urgent” ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Yung sa akin lang, ‘yung source of funds napaka-importante noon. Kasi ang pagka-intindi ko, nagkakaroon ng sovereign fund kapag nagka-jackpot ang isang bansa… When you get a windfall, that’s usually the beginning of a sovereign fund. Eh I don’t feel any windfall right now, I feel utang,” anang mambabatas.

Sinabi ng senador na siya ay “kinakabahan” na payagan ang MIF bill na maipasa sa kasalukuyan nitong anyo.

“Gusto ko lang makita ‘yung formulation tapos siyempre, ako very basic lang eh: Ano talaga ang source of funds?

Ikalawa ano ang purpose of the funds? Saan ilalaan?”

“Kasi sinasabi na infrastructure, nagagawa naman ‘yun ng bangko. Sinasabi legacy and agriculture. Nagagawa naman ng NIA yun at saka nangungutang naman tayo para diyan. So ano yung value added?” pagpapatuloy ni Marcos.

Ang pangangailangang i-fast-track ang MIF bill ay kaduda-dudang din para kay Marcos.

“Ako, kung saka-sakaling minamadali, hindi ako papayag kasi malaking pera yan. Mababaon ang ating mga anak. At hindi dapat minamadali yung ganyan,” aniya.
LIZA SORIANO