ni Riza R. Zuñiga
Sa halos limang dekada, hindi matatawaran ang kakayahan sa sining ni Imelda Cajipe Endaya. Bilang alagad ng sining, napakalawak ng angking galing sa pagpipinta ng abstraksyon at representasyon, gayundin ang pagpipinta sa paglilimbag sa papel, kahoy, tela, metal at iba pang kagamitang maaring guhitan o pintahan.
Ang katatapos na eksibisyong solo ni Endaya sa Imahica Art Gallery sa Lee Gardens, Mandaluyong City mula ika-23 ng Hulyo hanggang ika-12 ng Agosto, 2022 ay nagpakita na napakaraming nailimbag sa papel simula pa noong 1975 hanggang 1998. Nagpapatunay ang katiyagaan sa walang sawang pag-iisip ng mga natatanging kakatawan sa mga karaniwang nakikita sa kapaligiran katulad ng paggamit ng itlog na maalat, ani, isda bilang mga paksa ng kanyang sining o di kaya’y mga naglalarawan sa mga bagay na magpapakita ng kapistahan at disenyo sa kasuotan ng katutubo mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Buong pagmamalaking inihandog sa publiko ang “The Abstractions of Cajipe Endaya” sa Imahica Art Gallery, isang independienteng gallery na naniniwala sa pagbabahagi ng contemporary art sa kasalukuyang panahon.
Ang eksibisyon ay nagpakita ng mga ipininta ni Endaya na bihirang makita sa galeriya at museo. Sa darating na ikatlo ng Setyembre, ang makikita ng publiko ay ang kanyang mga likha sa larangan ng representasyon sa Cultural Center of the Philippines (CCP) na “Imelda Cajipe Endaya:Pagtutol at Pag-asa” Isang Retrospective mula sa 13 alagad ng sining na ginawaran ng parangal sa sining ng CCP.
Bukod sa pagsusulat, si Endaya ay kasamang nagtatag ng Kasibulan o Kababaihan sa Sining at Bagong Sibol ng Kamalayan noong 1987. Kasama niyang mga alagad ng sining dito ay sina Brenda Fajardo, Anna Fer, Julie Lluch at Sr. Ida Bugayong.
Sa napakaraming naiambag sa sining sa loob at labas ng bansa, mga papuri at parangal, sa loob ng limang dekada, hindi isinantabi ni Endaya ang lagay ng mga kababaihan, sila man ay nasa sining o wala.
Hanggang ngayon siya ay nanatiling tagapayo ng mga kababaihang iaangat ang sining ng mga kababaihan. Ang sining na magbibigay lakas sa mga kababaihang may kakayanang paunlarin ang pamayanan.