NAKAPAGPIYANSA na kahapon ng halagang P150,000 sa Sandiganbayan si dating unang ginang Imelda Marcos sa kasong pitong bilang na graft.
Pinayagan ni Fifth Division chairperson Associate Justice Rafael Lagos si Ginang Marcos na makapaglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Lagos na ang piyansa ay magiging epektibo lamang hangga’t hindi pa hinahatulan ng Sandiganbayan ang mosyon ni Marcos sa pagkakaroon ng post conviction remedies.
“We will order her to post bond in the original bond. It’s about P150,000,” ayon kay Lagos.
Si Ginang Marcos ay hinatulang guilty ng Sandiganbayan nitong Nobyembre 9 sa pitong bilang ng graft dahil sa kaniyang pagpapanatili ng Swiss-based foundations noong rehimen ng kanilang pamilya.
Sa mosyon na ipinasa sa Fifth Division noong ika-12 ng Nobyembre, sinabi ni Marcos na hindi niya intensiyong bastusin ang Sandiganbayan at sinabing hindi lamang siya pinayagan ng kaniyang doktor na dumalo sa promulgation para maiwasan ang stress.
Isinumite rin ni Ginang Marcos ang kopya ng kaniyang medical certificate na pirmado ng neurologist na si Dr. Joven Cuanang ng St. Luke’s Medical Center na nagsasabing ang dating Unang Ginang ay may-roong pitong sakit kabilang dito ang diabetes, hypertension at iba pa.
Comments are closed.