IMELDA PINAGPIYANSA NG P300K

imelda

PINAYAGAN ng Sandiganbayan 5th Division na manatiling malaya si dating unang ginang at ngayo’y Congresswoman Imelda Marcos habang iniaapela ang sentensiya sa kanyang pitong kaso ng graft.

Sa inilabas na statement ng Sandiganbayan, pina­yagan si Ginang Marcos na maglagak ng P300,000 piyansa o doble sa orihinal niyang piyansa na P150,000.

Kinatigan ng Sandiganbayan ang motion for leave to avail of post-conviction remedies ni Ginang Marcos dahil pinapayagan naman ito ng panuntunan ng korte.

“Penal law being favorable to the accused, substantive justice necessitates that Ms. Marcos be restored in her standing in Court and be recognized to her right to pursue legal remedies against the judgment of conviction,”  nakasaad sa  desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division  na may petsang  Nobyembre  28, 2018.

Ilan sa legal remedies na  puwedeng gawin ni Ginang Marcos ay maghain ng apela sa Sandiganbayan o iakyat ang kaso sa Korte Suprema.

Una nang naghain ng request si Ginang Marcos sa Sandiganbayan na bigyan ng records ng kanyang kaso ang Korte Suprema.

Nobyembre 9, 2018 nang ibaba ng  Fifth Division  ang hatol na guilty laban kay  Marcos sa paggamit sa kanyang posisyon  sa gobyerno  sa  pag-maintain ng kanyang  Swiss bank accounts sa panahon ng  panunungkulan ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Hindi nakasipot ang dating unang ginang sa paggawad ng sentensiya sa kasong graft at  nagsumite ito kaagad ng  motion for a ‘leave of court’.

Nang sumipot ito sa korte nang Nobyembre 16 ay sinabi niyang  hindi niya alam ang nakatakdang pags-entensiya sa kanya, at  may sakit umano siya nang araw na iyon.

Comments are closed.