(Iminungkahi sa Senado) TOTAL DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

IMINUNGKAHI ni Senador Raffy Tulfo ang total deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait kasunod ng napaulat na pagpatay sa domestic helper na si Jullebee Ranara.

Sinalubong ni Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ang pagdating ng mga labi ni Ranara sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes ng gabi, Enero 27.

Ang diumano’y sunog na katawan ni Ranara ay naiulat na natagpuan sa isang disyerto sa Salmi, Al-Jahra Governorate.

Ani Tulfo, dapat mauna ang employment ban bago ang planong bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. Sa nasabing bilateral talks, dapat ay masunod din ang mga ibibigay nating mga kondisyon.

Kabilang sa mga kondisyon na binanggit ni Tulfo ay ang paglalagay ng mahigpit na proseso ng screening at psychiatric exam para sa mga employers sa mga high-risk na bansa, gayundin sa mga kasama nila sa bahay.

Napag-alaman na habang maayos umano ang pakikitungo kay Ranara ng kanyang mga amo ay minaltrato naman siya ng 17-taong-gulang na anak nito, na ngayon ay nasa kustodiya na diumano ng mga awtoridad.

Bilang panimula, sinabi ni Tulfo na dapat ay unti-unti nang i-pull out ng gobyerno ang mga OFW sa Kuwait at ipadala sa ibang lugar o bansa, tulad ng Guam, kung saan sila ay matatrato ng maayos.

Ang Guam ay isang new market para sa mga OFW at kasalukuyan itong nangangailangan ng libo-libong skilled workers.

Bukod sa Guam, maaari rin ikonsidera ng gobyerno ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait para magtrabaho sa iba pang ligtas na lugar, kabilang ang Romania, Austria at HongKong.

Sinabi din Tulfo na ang gobyerno ng Kuwait government ay dapat mag-isyu ng public apology sa mga Pilipino dahil sa mga namatay na OFWs sa bansang ito.

Hindi si Ranara ang unang OFW na pinatay sa Kuwait. Nauna nang nagpataw ang Pilipinas ng labor deployment ban sa Kuwait matapos ang di makatarungang pagkamatay ng ilang Filipino domestic workers dito. Kalaunan ay nalift

din ang nasabing ban.
Kamakailan lang ay ipinadala ni Tulfo ang kanyang mga staff upang magbigay ng paunang tulong sa pamilya ni Ranara. VICKY CERVALES