IMINUNGKAHI ni Senador Raffy Tulfo na gawin nang legal at i-regulate ang ukay- ukay o mga imported na second-hand goods sa bansa.
Inihain ni Tulfo ang Senate Bill (SB) No. 1778 na nagpapawalang-bisa sa Republic Act (RA) No. 4635 na nagbabawal sa ukay-ukay.
Bagaman itinuturing na ilegal ang negosyong ukay-ukay alinsunod sa nabanggit na batas, laganap pa rin ang ganitong negosyo sa bansa dahil sa hindi epektibong pagpapatupad ng batas.
“The ‘ukay-ukay’ industry has evolved as part of the Filipino Culture. It goes without saying that the revenue-generating industry has generated jobs for our fellow Filipinos. However, it must be regulated by the proper government agencies to ensure its compliance with applicable laws,” nakasaad sa explanatory note ng panukalang batas.
“Pursuant to the proposed bill, the P18 billion industry will no longer be an underground enterprise since it will be duly registered and its revenues audited for accountability by the proper government agencies,” dagdag pa nito.
Matatandaan na bago mag-file ng SB NO. 1778, iminungkahi na ni Tulfo na dapat talaga ay gawing legal ang commercial importation ng ukay-ukay dahil napansin nito na hindi nakokontrol ng Bureau of Customs (BOC) ang pagdagsa nito sa bansa.
Ikinalungkot ng senador na ang small-time sellers ay obligado na magbayad ng buwis habang ang mga importer ay hindi nagbabayad ng kanilang mga tungkulin sa BOC.
Dagdag ni Tulfo, dapat ding imbestigahan ang BOC at Philippine Economic Zone Authority (EPZA) upang matiyak na ang ukay-ukay ay hindi maipupuslit bilang used rags na walang buwis.
VICKY CERVALES