IMPACT NG EL NIÑO SA ECONOMY MALIIT LANG – NEDA

NANINIWALA ang National Economic Development Authority (NEDA) na ang nararanasang El Niño ay magkakaroon lamang ng maliit na epekto sa paglago ng ekonomiya ng bansa at sa pagtaas ng pres­yo ng mga produkto at serbisyo.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary at NEDA chief Ernesto Pernia, ang sektor ng agrikultura ang magiging pina-kaapektado ng tagtuyot subalit ang kontribusyon nito sa gross domestic product (GDP) ay maliit lamang.

“Given that the contribution of agriculture sector to GDP is 8.9 percent, the impact would be proportionate to the percentage contribution,” wika ni Pernia.

Sinabi naman ni NEDA Assistant Secretary for Planning and Policy Carlos Bernardo Abad Santos na sa inisyal na pagtaya, ang El Niño ay makababawas ng 0.2 percentage points lamang sa full-year GDP ng bansa.

Dagdag pa ng NEDA official, ang El Nino ay kinonsidera na sa revised 6 to 7 percent GDP target para sa 2019.

Ayon kay Abad Santos, ang 0.2 percentage points reduction sa GDP na dala ng El Niño ay maaari pang mapababa dahil mag-sasagawa ang pamahalaan ng mitigating measures upang matugunan ang masamang epekto ng phenomenon.

Kumpiyansa si Pernia na ang inflation rate ay magiging pasok sa target range na 2 to 4 percent ngayong taon sa kabila ng droughts, dry spell, at reduced rainfall na dala ng El Niño.

“Maybe there is some impact on inflation but it will still be below 4 percent,” anang NEDA chief.

“We cannot stop El Niño but we can make swift and effective moves to soften its impact on the lives of our countrymen and the economy,” sabi pa ni Pernia.

Iniulat ng DA na hanggang noong March 18, ang pinsala ng El Nino sa agrikultura ay umabot na sa P1.33 billion at nakaapekto sa 70,353 ektarya at kabuuang 84,932 magsasaka sa buong bansa.