IMPACT NG SERENO OUSTER SA ECONOMY, BABANTAYAN NG MGA NEGOSYANTE

BABANTAYAN ng pinakamalalaking business groups sa bansa kung ang desisyon ng Korte Suprema na patalsikin sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay magkakaroon ng pangmatagalang epekto sa ekonomiya ng bansa.

Nababahala ang Makati Business Club (MBC), gayundin ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), sa naging proseso ng pagpapatalsik kay Se­reno na mas mainam, anila, kung sumunod sa rule of law, na sa pamamagitan ng impeachment process.

“We believe the impeachment process would have better exhibited the adherence to rule of law that gives confidence to investors and all citizens, but the Supreme Court is the final arbiter of all constitutional issues,” pahayag ni MBC executive director Coco Alcuaz.

Sa landmark decision, sinibak ng Korte Suprema  si Sereno dahil sa umano’y  pagkabigo nitong matugunan ang ‘integrity requirement’ para sa mga miyembro ng hudikatura.

Sa botong 8-6, pina­boran ng mga mahistrado ang quo warranto petition  ni  Solicitor General Jose Calida, na humihi­ling na ipawalang-bisa  ang  appointment ni  Se­reno sa pinakamataas na judi­ciary post sa bansa noong 2012.

Ang mga mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition ay sina Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Pe­ralta, Lucas Bersamin,  Noel Tijam,  Francis Jardeleza, Samuel Martires, Andres Reyes Jr.  at Alexander Gesmundo.

Kumontra naman sa petisyon sina Justices Antonio Carpio, Presbi­tero Velasco Jr., Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe, Mariano Del Castillo at Alfredo Benjamin Caguioa.

Ang  quo warranto petition laban kay ­Sereno ay isinampa ni Solicitor General Calida dahil sa  kulang  na statements of assets, liabilities, and networth (SALN) na isinumite ng punong  ma­histrado sa Judicial and Bar Council.

Inaatasan ng JBC ang mga aplikante para sa posisyon ng chief justice na ihain ang lahat ng SALNs habang nasa government service.

Sinabi naman ni Alegria Sibal-Limjoco, presidente ng PCCI, na ang pagpapatalsik kay Sereno ay ‘highly politicized’.

Aniya, sa kanilang mga miyembro ay magdudulot ito ng pagkakahati-hati dahil ang iba ay pro at ang iba ay hindi.

Gayunman, sinabi niya na naniniwala siyang ang kaganapang ito ay hindi makapagpapabawas sa kumpiyansa ng mga foreign investor sa ekonomiya ng bansa.

“For them what is important is we have a good leader,” dagdag pa niya.

Comments are closed.