DUDA si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na posibleng isang uri lamang ng ‘diversionary tactic’ ang paglutang sa posibilidad na pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio para mapagtakpan ang kontobersyal na isyu ng P125 million confidential fund.
Pagbibigay-diin ni Castro, ang dapat mapagtuunan ng pansin ay kung saan ginastos ang nabanggit na pondo ng Office of the Vice President (OVP) na naubos sa loob lamang ng 11 araw at hindi ang hilaw na impeachment complaint.
“Dapat talagang mag-focus tayo doon sa isyu ng confidential funds, antagal na nito mula pa nu’ng September hindi pa rin nasasagot ng concerned agencies,” sabi pa ni Castro.
Ganito rin ang sinabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at iginiit na dapat may mapanagot kung mapatutunayan na mali ang ginawang paggastos sa pera ng bayan.
“Yung focus talaga natin ay yung usapin ng accountability doon sa confidential funds. Of course, it’s not only with the OVP; kahit naman sa OP may mga tanong. Sa previous na administration napakalaki ng mga confidential funds at yun talaga yung dapat unahin kasi yun naman yung taong ng taumbayan di ba?” ani Brosas.
Bukod sa P125 milyong confidential fund na inubos ng OVP, sinabi ni Brosas na magandang silipin ang bilyon-bilyong confidential fund ng Davao City government na ginamit ni Vice President Duterte noong siya pa ang mayor ng lungsod.
Sinabi ni Brosas na kung maisasapubliko kung papaano at saan ginastos ang confidential funds ay tsaka pa lamang malalaman kung mayroon bang dapat na papanagutin.
Kamakailan ay inatake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Castro at ang Makabayan bloc na sumisilip sa confidential fund ng kanyang anak.
Nauwi pa sa pagbabanta ang pagdepensa ng dating Pangulo sa kanyang anak kaya sinampahan ito ng reklamong grave threat ni Castro sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Naglabas na ng subpoena ang piskalya kaugnay ng reklamo ni Brosas at pinapupunta ang dating Pangulo sa pagdinig nito sa Disyembre 4 at 11. ROMER BUTUYAN