KINALAMPAG ng isang mambabatas ang mababang kapulungan ng Kongreso sa mistulang usad-pagong na impeachment case laban kay Supreme Court (SC) Associate Justice Mariano Victor “Marvic” Leonen dahil kahit lagpas na ang 10 session days simula nang iendorso ito ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba ay hindi pa ito iniendorso ng liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco sa House committee on justice.
Sa parliamentary inquiry ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa plenaryo ng Kamara, lumalabas na matagal pa bago iendorso sa nasabing komite ang impeachment complaint na inihain ni FLAGG secretary general Ed Cordevilla laban kay Leonen.
“Gusto ko lang malaman Mr. Speaker, not only for myself but for Honorable Barba, what is the status of the impeachment case filed before the House of Representatives, “ ani Defensor.
Ginawa ni Defensor ang pagtatanong dahil mula nang ihain ni Cordevilla at iendoroso agad ni Barba ang impeachment complaint laban kay Leonen noong Disyembre 7, 2020 ay wala nang narinig sa nasabing reklamo.
Ayon sa mambabatas, malinaw sa Rules of Impeachment ng Kamara na kailangang iendorso ng Speaker of the House ang impeachment complaint na inendorso ng isa o higit pa nilang miyembro sa Justice committee sa loob ng 10 session days.
Inayunan naman ito ni Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla.
“However, we’re only on our 3rd session days as we have not adjourn or we are only adjourned twice before this session day. So we are only on our 3rd session day,” pahayag ni Remulla.
Gayunpaman, sinabi ni Defensor na simula noong Disyembre 7, 2020 ay lagpas na sa 10 session days ang Kongreso.
“I thank the explanation of the Majority leader on that. But I will not debate on it but this impeachment case was filed by Honorable Barba since December. Lumagpas na po tayo sa 10 session days. But I will debate on that. We can look on our record,” ani Defensor.
Si Leonen ay sinampahan ni Cordevilla ng betrayal of public trust at culpable violation of the constitution na kapag umakyat sa Senado, malitis at mapatunayang guilty ay maari itong matanggal sa puwesto.
Nag-ugat ang reklamong culpable violation of the constitution dahil sa mabagal umanong pagpapalabas ni Leonen ng desisyon sa mga pending case sa kanyang tanggapan sa Korte Suprema at maging sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan siya chairman.
Pasok din umano si Leonen sa kasong betrayal of public trust dahil sa kabiguan nitong ihain ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) noong 2004, 2005, 2006, 2007, 2010, 2011 na pagbalewala sa Saligang Batas at Republic Act (RA) 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees”.
Comments are closed.