IMPLEMENTASYON NG ALS PINALAWIG

SIMULA Nobyembre 12, pinalawig na ng Malakanyang ang implementasyon ng Alert Level System (ALS) dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang nationwide implementation ng Alert Level System sa Regions 1, 8, at 12.

Iiral naman ang Alert Level System sa Regions 2, 5 at 9 sa Nobyembre 17 habang sa Cordillera Administrative Region, Regions 4B, 13, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Nobyembre 22.

Sa ilalim ng Alert Level System, limitado ang lockdowns sa mga komunidad na may mataas na kaso ng COVID-19.

Noong Huwebes ay inaprubahan ang pagpapatupad ng ALS sa buong bansa.

Ito ang nakasaad sa inilabas na executive order No. 151 na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte na may petsang Nobyembre 11,2021 kung saan inilatag ang mga kaukulang hakbang at mga patakaran tulad ng mga community quarantine para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Inatasan din ang lahat ng mga ahensiya at departamento ng gobyerno kabilang ang state colleges and universities, government owned and controlled corporations at financial institutions at maging ang mga local government units na makipagtulungan at bigyan ng kooperasyon ang IATF para sa implementasyon ng alert level system.EVELYN QUIROZ