IMPORT BAN SA LIVE GOATS MULA U.S. INALIS NA

INALIS na ng Department of Agriculture (DA) ang temporary ban sa pag-angkat ng live goats mula US.

Ang ban ay ipinatupad noong nakaraang Hunyo kasunod ng positive QFever cases na naitala sa ilang imported na kambing sa bansa.

Ang QFever ay isang sakit na nakaaapekto sa mga kambing, tupa at baka na zoonotic, na nangangahulugan na maaari itong maipasa sa tao. Wala pang naitatalang kaso ng QFever sa tao sa Pilipinas.

“Natapos na ang culling ng Bureau of Animal Industry (BAI) doon sa mga alleged na five dozen ng goats na na import mula sa US following the detection ng Q Fever,” wika ni DA Asec. at spokesperson Arnel de Mesa.

Ayon sa DA, base sa pinakahuling impormasyon mula sa World Organization for Animal Health, walang iniulat o naitalang kaso ng Q Fever sa US.

“Na-establish na rin ng BAI yung stringent measures para mapigilan ang pag-spread pa ng mga sakit na ito for both animals and humans,” ani De Mesa.

Inirekomenda ng BAI ang pag-aalis sa ban, at ipinalabas ng Secretary ang Memorandum Order 43 upang alisin ito.

Noong nakaraang Hunyo ay naitala ng BAI ang unang kaso ng QFever sa bansa mula sa 94 kambing na inangkat sa United States at kalaunan ay dinala sa Santa Cruz, Marinduque.