IMPORTASYON NG MGA ISDA DINEPENSAHAN NG DA

AGAD na ipinagtanggol ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang kanilang desisyon na payagan ang importasyon ng 60,000 metriko toneladang mga isda dahil ito ang sinasabing kalutasan sa limitadong suplay.

“Kasi ito, long-rooted na ito. Ang agri-fisheries sector has been neglected, has been underfunded, has been underinvested all these 40 years. So, ito na ang resulta. Kung kulang ang budget, kakaunti lang magawa natin,” paliwanag ni Dar sa isang news briefing.

Nauna rito, binatikos ng grupo ng mga mangingisda at ilang mambabatas ang DA sa pag-isyu ng ‘certificate of necessity to import’ dahil labis umanong maapektuhan nito ang local fishing industry pero giit ni Dar na mayroon silang datos na susuporta sa kanilang desisyon.

Inulit ng opisyal na ang kanilang aksiyon ay bilang tugon sa potential deficit ngayong quarter na umaabot sa 119,000 MT dahil sa ‘closed fishing season’, pati na rin ang mataas na presyo ng mga isda na nakaambag sa food inflation noong 2021.

Bukod dito, binanggit din ng DA chief ang naging epekto ng nagdaang bagyong Odette sa mga mangingisda kung saan umabot sa P4 bilyon ang nawasak sa fisheries at aquaculture sector.

“Alam natin ang dapat nating gawin para sa ating mga mangingisda at sa consuming public. May datos po kami na nagpapatibay na meron kaming basehan sa lahat ng desisyon natin,” dagdag pa ni Dar.
BENJIE GOMEZ