NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na harangin ang pork importers na manipulahin o imaniobra ang lokal na suplay ng mga karneng baboy at tuluyang patayin ang negosyo ng mga magbababoy na Pinoy.
“Ang pagkatay sa kabuhayan ng ating mga lokal na hog raisers ay magsisimula kapag ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) ang plano nitong itaas ng tatlong beses ang minimum access volume o dami ng puwedeng iangkat na baboy sa bansa sa mas mababang taripa, na ngayon ay nasa 54,000 metriko tonelada,” diin ni Marcos.
“Tila OA ang reaksiyon ng DA sa pagmamadali nitong lakihan ang pag-import ng karneng baboy para mapababa ang presyo sa palengke. Maaring magdulot ito ng ‘coup de grace’ o tuluyang pagpatay sa industriya ng pagbababoy bago pa maipalabas ng Vietnam ang bakuna kontra sa ASF (African Swine Fever) sa huling bahagi ng taong ito,” ayon kay Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na kaysa magmadali sa importasyon, ang dapat nitong bilisan ay ang imbestigasyon sa ‘hoarding’ o pag-ipit ng mga pork product na maaaring sanhi ng artipisyal na pagtaas ng presyo nito sa merkado sa gitna ng pagkalat ng ASF, partikular na sa Luzon.
“Marami nang lokal na hog raisers o magbababoy ang nagsara na ng kanilang negosyo. Ang importasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic ay kapalit ng kawalan ng lokal na trabaho at pagsuko sa mga dayuhan para sa food security ng ating bansa,” ani Marcos.
Aniya, ang presyo ng mga imported na baboy galing sa United States, Canada, Spain, United Kingdom, Netherlands, at Brazil ay pang-eengganyo o pang-akit para sa mas malaking kita pero mga konsyumer ang isinasakripisyo.
Inihalimbawa ni Marcos ang import cost ng isang 40-foot container ng frozen pork belly o liempo mula sa Spain na P117.87 kada kilo, kasama na ang 40% na taripa.
“Ikumpara ninyo iyan sa kasalukuyang presyo sa merkado na aabot ng P450 kada kilo. Kahit pa idagdag ang gastos sa cold chain, pag-imbak at delivery, lumalabas na ang gastos lang ng mga importer ng karne ay nasa P153 kada kilo,” pagdidiin ni Marcos.
Bukod sa paghuli sa mga nananamantalang hoarders at profiteers, sinabi ni Marcos na kaya rin ng gobyernong mapababa ang presyo ng karne kung isa-subsidize ang gastos sa pagbiyahe nito sa Luzon, na 80% ay inaangkat mula Visayas at Mindanao.
Binigyang-diin din ni Marcos na ang DA ang may pinakamalaking item ng pondo para sa emergency sa ilalim ng Bayanihan 2, na may kabuuang P24 billion. VICKY CERVALES
Comments are closed.