PINUNA ng mga senador ang pag-angkat ng Pilipinas ng asin sa gitna ng pagbagsak ng local production sa kabila ng pagkakaroon nito ng isa sa pinakamahabang baybayin sa mundo.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Sen. Joel Villanueva na ang imports ng bansa ay umabot sa 93% ng kabuuang salt requirements, habang ang exports ay nagkakahalaga lamang ng mahigit sa $200,000 noong 2021.
“Talagang may demand ang salt, pero wala tayong production,” ayon kay Villanueva.
Sinabi rin ni Senadora Cynthia Villar na ang salt production sa bansa ay bumaba sa 40,000 metric tons mula 240,000 metric tons noong 1960s at 1970s.
Kapwa sinisi ng dalawang mambabatas ang paghina ng sektor sa Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN Law) na ipinasa noong 1995, na nag-aatas sa mga producer na i-iodize ang asin na kanilang mina-manufacture, ibinebenta o ipinamamahagi.
“Klaro na mula nung pinasa ‘yung ASIN law, lalong nag-deteriorate ‘yung production ng asin at lalong lumaki ang importation ng asin,” ani Villanueva.
Aniya, bago ang pagpasa sa ASIN law, 85% ng salt requirements ay locally produced.
Binatikos ni Villar ang agriculture authorities na dumalo sa pagdinig, at sinabing nagkaloob sana sila ng training sa mga magsasaka para matuto ng iodization.
“You have to understand our small farmers, they are not as well-educated as you are,” aniya.
“You let the whole industry deteriorate,” dagdag pa ng senador.