MARAMI pang imported canned pork products ang nakumpiska sa Negros Occidental sa harap ng pin-aigting na kampanya ng Provincial African Swine Fever (ASF) Task Force.
Noong Biyernes ng umaga ay may 14 cans ng banned pork products, karamihan ay China-made Ma Ling luncheon meat, ang nasamsam ng mga tauhan ng task force, kasama ang Municipal Agriculture Office sa bayan ng Murcia.
Kasunod ito ng pakakakumpiska sa 21 cans ng Ma Ling sa isang inspeksiyon sa public market sa Silay City noong Martes.
Ang Ma Ling ay isa sa siyam na brands na nakalista sa Food and Drug Administration Order 2019-046, na nag-aatas sa lahat ng importers, distributors, retail outlets at iba pang dealers na agad bawiin ang lahat ng pork meat products na inangkat sa mga bansa na hinihinalang apektado ng ASF virus.
Ang inspeksiyon ay isinagawa ng Provincial Veterinary Office (PVO) District Field Unit III sa ilalim ni of-ficer-in-charge Dr. Modesto Joseph Cañonero III.
Noong Miyerkoles at Huwebes ay ibinalik ng task force quarantine team sa Manila ang daan-daang kilo ng pork products na dumating sa Bacolod-Silay Airport at Bredco Port.
Samantala, nasa 65 baboy ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang bayan sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa report, ang mga nasabat na baboy ay galing sa lalawigan ng Bulacan.
Bagama’t sinasabing maayos ang mga ito, hindi pa rin umano nakasisiguro na ligtas ito sa African Swine Fever (ASF) dahil hindi ito dumaan sa inspeksiyon.
Pinaniniwalaang ipinuslit lamang ang mga ito mula sa Bulacan at idinaan sa mga maliliit na lansangan hanggang makarating sa Pangasinan.
Matatandaang ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ang pagpasok ng swine products sa naturang lalawigan matapos na makumpirma ang presensiya ng ASF sa ilang lugar sa bansa.