IMPORTED DIESEL PINANGAMBAHANG MAKASIRA NG MAKINA

NAG-ALALA ang i­lang sektor ng public transport sa pag-iimporta ng pamahalaan ng murang diesel sa ibang bansa upang maibenta ng mas mura kaysa sa idinidikta ng pagtataas sa pandaigdigang merkado.

Dahil sa panukalang murang presyo kada litro ng aangkating diesel ng pamahalaan, baka umano mababang uri ang mabili na makasisira sa makina ng mga gagamit nito, ang agam-agam ng mga nasa public transport.

Positibo naman ang Department of Energy sa gagawing importas­yon na pangungunahan ng Philippine National Oil Company Exploration Corp., sa pagbili ng diesel sa Russia o sa ibang bansa na hindi miyembro ng Organization of Petroleum exporting Countries, na ang pa­ngunahing layunin ay ang magbigay ng dagdag supply ng diesel sa bansa sa mas mababang halaga kaysa sa umiiral na presyo nito.

Balak din ng DOE na ibenta ang diesel sa mga kompanya na nag-o-operate ng mga Power Plant sa bansa, maliban pa sa mga transport consumers, upang maibsan ang bigat ng pagtataas ng presyo na nakaaapekto sa halaga ng mga bilihin sa merkado.

Magtatalaga rin ang DOE ng distributors ng mga inangkat na diesel sa pagpapakalat sa buong bansa ng murang diesel at magbabantay  sa hoarders ng mga  pribadong negosyante na magsasamantala sa pagbili ng mga murang diesel ng pamahalaan at ibebenta sa publiko sa mataas na halaga.    BENJARDIE REYES

Comments are closed.