IMPORTED NA BASURA NG SOUTH KOREA

alex santos

HINDI maitatanggi na namumutiktik pa rin ang basura sa Filipinas.

Kaya patuloy na nililinis ang mga estero at baybayin ng Manila Bay dahil dito.

Karamihan sa mga basura ay plastic na kinabibilangan ng botelya ng softdrinks at mineral­ water, sachet ng kape at shampoo, supot na plastic at marami pang iba.

Kumikilos din naman ang administrasyong Duterte para matugunan ang suliraning ito.

Pero kahit marami nang basura sa bansa, nakapagtatakang marami pa ring kompanya ang bumibili ng basura sa ibang bansa.

Nag-i-import sila ng tone-toneladang basura at hindi ito masyadong natutunugan.

Unang nabunyag ang isyu nang madiskubre ang mga umalingasaw ang tambak na basura sa Tagoloan, Misamis Oriental na nanggaling pa ng South Korea habang nagsilbing consignee naman ang Verde Soko Phil. Industrial Corporation.

Kung hindi ako nagkakamali, dumating ang basura noong Hulyo 21, 2018 sa Mindanao Container Terminal at pinalabas na ito’y “plastic synthetic flakes” na sinasabing paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Ang totoo, hindi lang SoKor ang nagpadala ng basura sa atin kundi maging ang Canada na itinambak naman sa Tarlac ang mga dumi nila noong Hunyo 2013 na umaabot sa 50 freIght containers at naglalaman ng household wastes.

Sinasabing idineklarang mga plastic na basura ang laman ng containers at ang consignee naman ay ang kompanyang Chronic Plastics na nasa Valenzuela City.

Nang inspeksiyunin ng Bureau of Customs, nadiskubreng mga basura at nangangamoy na.

Tsk, tsk, tsk.

Sa pagkakatanda ko, naibalik na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Canada ang imported nilang basura.

Naantala naman ang pagpapabalik ng basura ng Korea ng ilang buwan.

Sa kabila naman ng krisis, nakatutuwang nagampanan pa rin ng DENR at BOC ang kanilang trabaho.

Ayon kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda, matagumpay na naibiyahe pabalik ng SoKor ang 6,400 metric tons ng imported na basura.

Gayunman, sabi ni Antiporda, ang BOC-10 ang dapat purihin dito.

Kinumpirma rin naman kasi ni BOC-10 District Collector John Simon na nakumpleto na ang shipment noon pang Agosto 4 ng taong kasalukuyan.

Nakahahanga rin naman ang South Korea sa bilis ng pagpapasya sa usapin.

Hindi pa rito nagtatapos ang lahat.

Dapat pa ring parusahan ang Verde Soko at Phividec Industrial Estate sa mga naging paglabag nila.

Nawa’y hagupitin ng batas natin ang mga umaangkat ng basura para hindi na pamarisan.

Huwag sanang i-atras ang mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act, at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act laban sa kanila.

Aba’y dadagdagan pa nila ng basura ang ating bansa at ang matindi, pawang hazardous wastes pa ang inangkat na napaka-delikado sa kalusugan ng tao.

Comments are closed.