IMPORTED PROCESSED MEATS KONTRA ASF MAHIGPIT NA PINABABANTAYAN

NANAWAGAN kahapon ang isang grupo para sa mas mahigpit na monitoring ng processed at frozen meat products mula abroad, kasunod ng bagong sample na nagpositibo sa African swine fever (ASF) kamakailan.

Matatandaang nakumpirma nitong Ene­ro na isang sample ng processed meat mula sa supermarket sa Quezon City ang nagpositibo sa ASF.

Sa isang panayam, sinabi ng Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG) na dapat mahigpit na ipatupad ang “first border policy” ng Food Safety Act, kung saan dapat nauuna ang Department of Agriculture (DA) at Food and Drug Administration (FDA) sa pag-inspeksiyon ng mga pumapasok na meat products sa bansa bago mapasakamay ng Bureau of Customs.

“Frozen iyan and mostly imported. Kasi ‘yung live pigs namin na-check na iyan na ASF-free,” ani Rosendo So, chairman ng SINAG.

Ayon sa grupo, sa­yang ang ginagawa nilang biosecurity measures sa kanilang backyard farms kung madali namang nakakapasok sa bansa ang mga kontaminadong karneng baboy.

Dagdag ni So, bumubuti na ang kalagayan ng hog industry sa bansa kaya nababahala sila na baka muling makaapekto sa pagbili ng mga kons­yumer ang mga napapabalitang kontaminadong processed meat products sa mga supermarket.

Dahil sa isyu, nakatakda namang magpulong sa susunod na linggo ang lokal na pamahalaan ng Quezon City at mga may-ari ng grocery at supermarket matapos magpositibo ang processed meat product mula sa isang tindahan sa lungsod.

Comments are closed.