IMPORTED PRODUCTS LAGYAN NG ENGLISH O FILIPINO LABEL — DTI

DTI Undersecretary Ruth Castelo-2

INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na oobligahin nila ang mga negosyante na maglagay ng English o Filipino translation sa kanilang mga tindahan at panindang imported.

Ito ay matapos na ipasara ang food plaza sa Las Piñas na nagbebenta ng mga produktong puro Chinese characters lang ang nakalagay.

Ipinaliwanag din ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na sakop dito ang mga label ng produktong ibinebenta, maging ang signages, billboards, tags, price list, menu at advertising materials ng negosyo.

Nilinaw naman ni DTI Secretary Ramon Lopez na hindi lang Chinese ang target nila kundi lahat ng negosyante na nagbebenta ng imported na produkto na may nakalagay na ibang lengguwahe.

Kasama na rin sa iuutos ng DTI ang sukat o puwesto ng translation sa produkto.

Ikatutuwa ito ng mga mamimili na madalas bumili sa Korean grocery dahil makikinabang sila rito.

“Makakatulong po ‘yun pati na rin sa kanilang negosyante kasi mas maiintindihan ng mga Pinoy (ang tatak),” lahad nila.

Bagama’t may English translation ang mga bi­nibili nila, may iilan umanong produkto na Korean language ang nakalagay.

Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), matagal nang may patakaran na dapat may English translation ang mga imported na gamot at pagkain.

“Ang problema po kasi, hindi naman po lahat nasusuyod ng FDA kasi marami,” pahayag naman ni  Marylyn Pagayunan, Director IV ng FDA.

Hinikayat ng FDA na idulog sa kanila ang mga produktong walang translation ang label para maberipika. Maaari nilang tanggalin ang produktong walang translation sa mga tindahan.

Comments are closed.