IMPORTER HINATULAN SA AGRI SMUGGLING

HINATULAN ng Metropolitan Trial Court – National Capital Judicial Region Branch 24 si Divina Bisco Aguilar, may-ari ng Real Mart dahil sa paglabag sa Customs act misdeclaration shipment ng mga carrot bilang frozen pastry buns na isinampa ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) matapos ang tatlong taon.

Naganap ang insidente noong Hunyo 26, 2020 matapos dumating ang shipment ng Real Mart sa BOC – Port of Manila mula sa Singapore na idineklarang naglalaman ng 2,500 karton ng frozen pastry buns ang kargamento na kalaunan ay napag-alamang misdeclared carrots ang laman nito.

Kasunod nito, naglabas ng warrant of seizure at detention laban sa kargamento at mga kaukulang kaso ay isinampa laban sa may-ari ng Real Mart.

Noong Setyembre 8, 2023 ay naglabas ng desisyon ang MTC-NCJR Branch 24 kaugnay sa paglabag sa Sec 1401, Sec 102 at 1400 ng Republic Act No. 10863 o kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act at hinatulan ng pagkakakulong na 3 taon at 1 araw hanggang 4 na taon.

Samantala, may dalawang kaso pa ang isinampa ng BOC sa DOJ noong Setyembre 8 at 15, 2023 dahil sa misdeclaration ng iba’t ibang produkto mula sa Korea nang walang aprubadong clearance mula sa Food and Drug Administration at pag-export ng isang universal CT tester na may pekeng General Authorization Certificate na pawang lumalabag sa probisyon ng CMTA.
PAULA ANTOLIN