QUEZON CITY – NASAKOTE ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae kung saan ang isa ay nagpanggap o impostor ni Davao City Mayor Sara para impluwensiyahan ang pagpapalabas ng desisyon sa isang nakabinbing kaso sa National Labor Relation Commission (NLRC).
Sinampahan ng NBI ng kasong paglabag sa Article 177 o Usurpation of Authority /Official Function ng Revised Penal Code sa Quezon City Prosecutors Office sina Ida Josephine Sioco Villahermosa, 52, residente ng Caloocan City; at Deltha Pasco Bernardo, 51, ng Rodriguez, Rizal.
Sa imbestigasyon ng NBI, noong Hunyo 3, 2019 , may tumawag sa opisina ni Commissioner Alex Lopez ng NLRC na nagpakilalang siya si Mayor Sara, na nasundan pa ng tatlong tawag sa iba’t ibang pagkakataon at iginigiit na paimbestigahan na ang Tacurong case kung saan sangkot ang dalawang kompanya ng bus na Philtranco at Victory Liner.
Ayon pa sa nagpakilalang Sara, sinabi nito na iniutos na ng Malakanyang na imbestigahan ang iregularidad sa kaso.
Kasabay nito, nag-iwan pa ng cellphone number na 09154672803 ang nasabing caller at inatasan ang staff na ibigay ang numero at patawagin sa kaniya si Comm. Lopez, at bilin na huwag ipamigay sa iba ang numero dahil pribado umano niya itong numero bilang alkalde ng Davao.
Sinabi pa ng caller na ang mga complainants at si Mr. Tacurong ay may sakit at ang maybahay ni Tacurong ay pinsan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya magpapadala siya ng representative na si Josephine Villahermosa, na isa umanong anak ng labor arbiter ng Dumaguete.
Ang tawag ay muling naulit noong Hunyo 11, alas-8:45 ng umaga at nagagalit pa umano ang nagpakilalang Sara dahil hindi siya tinawagan ni Comm. Lopez at nanakot pa na masisibak kaagad kung daddy niya ang magpapaimbestiga.
Noong Hunyo 13, alas-9 ng umaga nang magtungo sa NLRC si Villahermosa at Bernardo na lingid sa kanila ay nakaabang na ang NBI-Special Operations Group para sila ay arestuhin.
Hindi naman nakalusot ang pagtanggi ni Villahermosa na siya ang nagpapanggap na Sara, dahil nang i-dial ng NBI-SOG ang iniwang private number ay tumunog ang kinumpiska sa kanyangcellphone at nakita rin sa call logs nito ang numero ng tanggapan ni Lopez na nag-match sa petsa at oras kung kailan siya tumawag. PAUL ROLDAN