TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbubutihin ang mga operasyon ng paliparan ng Maynila upang matiyak ang easy travel habang ang administrasyon ay agresibong nagsisikap na palakasin ang sektor ng turismo ng Pilipinas.
Sa pulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group noong Huwebes sa Malacañang, kinilala ni Pangulong Marcos ang mga hamon sa mga pangunahing paliparan sa bansa tulad ng mga limitasyon sa espasyo at hindi sapat na teknolohiya sa pagproseso ng mga dokumento sa paglalakbay.
Ang PSAC ay binubuo ng mga pinuno ng negosyo at mga eksperto sa industriya na nagbibigay ng teknikal na payo sa Pangulo sa pagkamit ng mga layunin ng ekonomiya ng gobyerno, partikular sa anim na pangunahing sektor tulad ng agrikultura; digital na impraestruktura; pangangalaga sa kalusugan; impraestruktura; pagbuo ng mga trabaho; at turismo.
Ayon sa mga opisyal na nakatagpo ng Pangulo, napakaliit ng espasyo sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at walang pisikal na espasyo para maglagay ng mas maraming immigration counter.
Mayroon ding ilang mga teknikal na isyu sa e-Gates sa paghawak ng mga pasaporte at visa, sabi nila.
“We should put a team specifically to study the technology para hindi na… to study all these proposals to see what it will take for us to be able to… The technology exists so it’s just a question of us adopting,” sabi ng Pangulo.
Upang ma-optimize ang karanasan sa transportasyon papunta at mula sa NAIA, iminungkahi ng PSAC ang ilang rekomendasyong “mabilis na panalo” na kinabibilangan ng pagbibigay ng maikli at malinaw na mga opsyon sa transportasyon para sa mga pasaherong umaalis sa mga paliparan, at pagtatalaga ng malaking dispatch booth na may mga unipormadong dispatcher na nakatalaga sa mga itinalagang lugar para sa mga pickup.
Bahagi rin sa mga rekomendasyon sa medium-term nito ang pagpapabuti ng impormasyon ng taxi sa website ng MIAA, pagbibigay ng mas maraming paraan ng pagbabayad para sa mga airport taxi, paglulunsad ng mga inter-terminal shuttle service, pagtatalaga ng parking area para sa lahat ng kumpanya ng rent-a-car, at pagpapatupad ng mga international standard airport signages para madaling matukoy ng mga turista kung saan kukuha ng mga taxi, car rental, bus, o terminal transfer shuttle.
Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ito ay kumikilos sa mga rekomendasyon ng PSAC at lumikha ng ng website, para sa mga accredited taxi upang makaiwas ang mga pasahero na makapag-book sa colorum.
Nakikipag-ugnayan din ito sa mga transport provider para tanggapin ang iba pang paraan ng pagbabayad (mga pagbabayad sa credit card), at pagkuha ng karagdagang mga bus para mapadali ang inter-terminal na transportasyon.
Sa bahagi nito, sa panukalang magdagdag ng mga counter, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na plano nitong bumili ng 35 karagdagang e-gates sa 2023 at 50 pa sa 2024. EVELYN QUIROZ