(In one week or be relieved) GAMBOA TO RDs: JUETENG ATBP TULDUKAN

JUETENG-8

BAGUIO CITY-PINAGSUSUMITE  ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa ang lahat ng Regional Directors ng Pambansang Pulisya ng listahan ng mga kolektor at protektor ng ilegal na sugal gayundin ang pagpapatigil sa nasabing ilegal na aktibidad kasama ang jueteng  sa loob ng isang linggo.

Ito ang binigyang diin ng PNP Chief bilang pagtitiyak nito sa publiko na hindi ningas kugon lamang ang maigting nilang kampanya kontra ilegal na sugal.

Sa pulong balitaan sa Baguio City, nagbabala si Gamboa na muli niyang babalasahin ang kaniyang Regional Directors sa buong bansa sakaling mabigo ang mga ito na sundin ang kaniyang kautusan sa ibi­nigay na palugit.

Una rito, umaalma ang mga anti-jueteng advocates sa tila hindi pagpansin ng pulisya sa jueteng  at iba pang ilegal na sugal at kampanya nito kontra illegal gambling sabay pagdududa na nakikinabang umano rito ang mga pulis.

Kasunod nito, mu­ling nandigan ang PNP Chief na kailanman ay hindi sila tumatatanggap ng anumang ganansiya mula sa jueteng o anumang uri ng sugal.

Sa nasabing press conference, sinabi ni Gamboa na may hawak na rin silang listahan ng mga pulis na nagpoprotekta sa illegal operators subalit tumanggi na sabihin kung ilan ito.

Aniya, bahala na ang regional directors na kumastigo sa mga ito. REA SARMIENTO