TINATALAKAY ng NBA at ng players union na gawing bahagi ng annual league calendar ang in-season tournament — isang karagdagan na magpapaikli sa league season ng apat na games, ayon sa ESPN.
Kapag nagkasundo ang liga at ang National Basketball Players Association, ang torneo ay maaaring idagdag sa league calendar sa 2022-23 season
Ang panukalang tinatalakay ng magkabilang panig ay kinasasangkutan ng lahat ng 30 teams, na sasabak sa pool-play portion ng torneo bilang bahagi ng regular season.
Sa ilalim ng plano, ang walong koponan na may top records ay maglalaro sa single-elimination tournament na matatapos bago ang holidays, at ang regular season ay magkakaroon ng 78 sa halip na 82 games.
Plano ring bigyan ng financial incentives ang mga player ng hanggang $1 million per player sa winning team. Subalit nakasaad sa report na kailangang balansehin ng liga ang maaari nitong makuha sa television at sponsorship revenues laban sa maaaring mawala sa mga koponan sa pagbabawas ng mga laro.
Suportado ni Commissioner Adam Silver ang ideya kung saan nasaksihan niya kung paano tinanggap ng fans ng European soccer ang in-season tournaments.