ILOCOS SUR-DEAD on arrival sa pagamutan ang isang 33-anyos na ina matapos sagipin mula sa pagkalunod ang kanyang 10-anyos na anak sa Buaya River sa bayan ng Salcedo sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Ayon sa hepe ng Salcedo Municipal Police Station na si Lt. Marc Corpuz, lumabas sa pagsisiyasat na naliligo ang ina kasama ang kanyang anak at pamangkin sa Buaya River sa Brgy. Poblacion Sur nang napuna niyang nalulunod ang kanyang anak kaya mabilis niya itong pinuntahan ito para iligtas.
Nagawang mahatak ni Jona Alcantara, residente ng nasabing lugar ang anak patungo sa gilid ng ilog subalit dahil hindi rin ito marunong lumangoy at may kalaliman ang bahagi ng ilog ay hindi na nito nakayang makaahon.
“Noong napansin ng mga bata na hindi umaangat ang nanay ay humiyaw na po sila hanggang may nakapansin at ikinuwento ng mga bata ang nangyari,” ani Corpuz.
Tinangka pa ng mga rescuer na i-revive ang biktima pero nang hindi raw makitaan ng vital signs ay agad itinakbo ito sa Ilocos Sur District Hospital sa bayan ng Salcedo saan idineklarang patay na nang idating .
Ipinagbabawal na ang pagpunta ng mga residente sa bahagi ng ilog kung saan nangyari ang insidente. VERLIN RUIZ