MAKAAASA ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Eastern Visayas ng dagdag-sahod bago matapos ang taon sa harap ng isinasagawang konsultasyon sa rehiyon, ayon sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DOLE regional mediator-arbiter, lawyer Cecilio Baleña, ang price adjustments ang nag-udyok sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) upang magsagawa ng konsultasyon sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Nakapagsagawa na ng public consultations sa Ormoc City para sa northwest Leyte area at Catbalogan City para sa Samar province. Nakatakda ring magsagawa ng konsultasyon sa Maasin City para sa Southern Leyte, Catarman para sa Northern Samar, Borongan City para sa Eastern Samar, at Tacloban City para sa central Leyte.
Matapos ang mga konsultasyong ito, ang wage board ay magkakaroon ng deliberasyon sa socio-economic indicators sa rehiyon. Aalamin ng board ang Gross Regional Development Product, inflation rate, at poverty threshold.
Pagkatapos ay maglalabas sila ng desisyon bago matapos ang taon.
“The wage board has been reviewing weekly the economic indicators due to the impact of oil price hikes and price adjustments of basic commodities,” sabi ni Baleña.
Ang kasalukuyang minimum daily pay sa rehiyon ay PHP405 sa ilalim ng Wage Order No. 23 na inisyu noong Nov. 6, 2023.
Ang regional board sa Eastern Visayas na pinamumunuan ng DOLE regional director ay isang tripartite body na binubuo ng anim na miyembro, tatlong kinatawan mula sa pamahalaan, dalawa sa workers’ sector, at isa sa employers’ sector.